Pinag-iingat ni Land Transportation Office Chief Vigor Mendoza ang mga motorsita na kumukuha ng kanilang unclaimed license plate sa LTO.
Ayon sa ulat, may mga indibidwal o fixer ang nag-aalok para makuha ang mga plaka ng sasakyan na hindi na pipila pa pero may kapalit na kabayaran.
Sa halip, umapela si Mendoza sa mga ito na i-report sa kanyang tanggapan ang aktibidad ng mga fixer na ito.
Tiniyak din ng LTO Chief na may mga inihandang sistema ang ahensya para maging maayos at mabilis ang distribution process ng mga plaka.
Kabilang dito ang pagkakasa ng appointment system para maging sistematiko at maayos ang pamamahagi ng mga plaka at kabilang na rin ang mga mall sa pinag-aaralang gawing distribution sites.
Nagsimula na ang proseso ng pamamahagi sa ilang mga lugar sa bansa partikular sa Sorsogon at Naga City sa Bicol Region. | ulat ni Rey Ferrer