Patuloy ang isinasagawang enrollment sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa bansa para sa nalalapit na pagbabalik eskwela.
Ayon sa Department of Education (DepEd), umabot na sa 16,816,221 ang kabuang bilang ng mga mag-aaral ang nag-enroll para sa darating na School Year 2023 – 2024.
Ito ay batay sa pinakahuling datos ng Learner Information System Count hanggang ngayong August 21, 10:15 AM.
Pinakamarami ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 2,858,606; sinundan naman ito ng National Capital Region (NCR) na may 2,220,470; at Region 3 na may 1,868,161.
Magpapatuloy naman ang enrollment hanggang sa August 26, kaya inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mag mag-aaral na magpapatala.
Dagdag pa ng DepEd, maaari ring magpatala ang mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) sa mga barangay, community learning center, at sa pinakamalapit na pampublikong paaralan.
Matatandang inanunsiyo ng DepEd ang opisyal nang pagbubukas ng klase para sa School Year 2023 – 2024 sa August 29. | ulat ni Diane Lear