Nagbigay ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa mga residente na naapektuhan ng mga nagdaang Bagyong Egay at Bagyong Falcon.
Nasa 1,899 na indibidwal ang nakatanggap ng tig-P4,000 cash aid sa rehiyon sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS program.
Ayon kay Donna Osial, ang AICS Head ng DSWD Bicol Region, ang mga benepisyaryo ay mga residente ng Masbate at Camarines Sur na mga magsasaka, mangingisda, senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at marginalized workers na lubhang naapektuhan ng bagyo.
Umabot naman sa kabuuang P7.4 milyon ang naipamahaging tulong pinansyal ng DSWD sa isinagawang payout activites.
Ang AICS program ay layong suportahan ang mga indibidwal at pamilya na makarekober matapos makaranas ng krisis o kalamidad. | ulat ni Diane Lear
📷: DSWD