Nanawagan si Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles sa PNP na i-recalibrate ang kanilang polisiya pagdating sa mga police operation upang maiwasan ang dahas na nauuwi sa pagkasawi ng mga sibilyan.
Kasabay ito ng pagluluksa sa pagkamatay ng isang 15-anyos na batang lalaki sa Montalban sa gitna ng police operation.
“Hindi maaaring ‘shoot first’ ang policy ng kapulisan sa ganitong mga operasyon. Naiwasan sana ang pagkitil sa buhay ni John Frances Ompad kung hindi tila automatic response ang paggamit ng dahas sa mga operasyon,” diin ni Nograles.
Batay sa ulat, binaril si Ompad ni Cpl. Arnulfo Sabillo noong Agosto 20 nang komprontahin ang nakatatandang kapatid ng biktima sa gitna ng Oplan Sita.
Ang naturang pulis ay hindi nakauniporme at sinasabing lasing pa.
Paalala ng mambabatas na ang misyon ng PNP ay ang magsilbi at protektahan ang taumbayan kaya’t hindi uubra ang pagiging agresibo.
“Baka kailangang mag-back to school ang mga pulis natin dahil nalilimot nilang ‘to serve and protect’ ang motto nila. Parang paulit-ulit na lang ang ganitong balita na may namamatay na civilian dahil sa masyadong agresibo ang mga pulis natin. Our officers are enforcers, and should never be executioners of those whose welfare they have sworn to uphold,” dagdag ng kongresista.
Umaasa naman si Nograles na makatutulong ang ginagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights para mabigyang-linaw ang sitwasyon at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ompad | ulat ni Kathleen Jean Forbes