Inilapit ni Deputy Minority Leader France Castro sa Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) na ilibre na sana ang mga may kapansanan mula sa pagkuha ng TESDA National Certification (NC).
Sa budget briefing ng Department of Labor and Employment at attached agencies nito kasama ang TESDA, sinabi ni Castro na may ilang may kapansanan sa paningin na kumukuha ng certification para sa pagmamasahe ang pinagbabayad ng ₱800.
Aniya, baka naman maaaring hindi na sila pagbayarin ng ahensya lalo at may kapansanan na sila.
Pero tugon ni TESDA Deputy Director John Bertiz, bahagi ang mga PWD ng kanilang special client na libre sa pagkuha ng assesment.
Kasama din aniya dito ang mga senior citizen, Persons Deprived of Liberty at mga displaced OFW.
Dahil dito humingi ng kopya ng naturang memo o kautusan ang kongresista at umapela sa TESDA na silipin ang isyu ng paniningil ng assessment fee na dapat ay libre pala.
Depende sa kasanayan ang TESDA assessment and certification ay nagkakahalaga ng ₱700 hanggang ₱3,000. | ulat ni Kathleen Jean Forbes