Opisyal nang tinanggal ng Archdiocese of Manila ang mandato ng pagsusuot ng facemask ng mga mananampalataya sa tuwing sila’y dadalo sa banal na misa.
Ito’y kasabay ng deklarasyon ng pagtatapos ng pandemiya at ang pagbawi ng pamahalaan sa idineklarang State of Public Health Emergency kontra COVID-19.
Sa isang circular na inilabas ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, nakasaad na susunod ang Simbahang Katolika sa mga alintuntuning itinatakda ng pamahalaan.
Bagaman inalis na ang facemask mandate sa open at enclosed spaces tulad ng mga simbahan, ipinauubaya pa rin nila sa mga mananampalataya kung magsusuot ng facemask o hindi.
Gayunman, patuloy pa ring hinihimok ng Kardinal ang mga Kura Paroko ng iba’t ibang Parokya na huwag alisin ang mga alcohol dispensers sa mga pintuan ng simbahan bilang bahagi ng sanidad.
Kasunod nito, sinabi rin ng Kardinal na maaari na rin ang pagtanggap ng komunyon sa bibig gamit ang dila at mananatili naman ang pagtanggap ng komunyon sa palad.
Sa pagbati naman ng Kapayapaan, bukod sa nakagawiang pagtungo, maaari na ring ibalik ang mga dating paraan ng pagbati tulad ng pakikipagkamay, beso-beso at pagyakap basta’t lahat ng ito ay gagawin ng may kabanalan, paggalang at bukal sa loob na pagbibigay ng sarili. | ulat ni Jaymark Dagala