Tina-target ngayon ng Quezon City local government na mag-hire ng nasa 300 persons with disabilities (PWDs) sa City Hall.
Ito ay sa pamamagitan ng inisyatibong “Kasama Ka sa Kyusi: Ang Taong May Kapansanan ay May Karapatan at Kakayahan” na bahagi ng hakbang nitong maitaguyod ang pantay na oportunidad para sa vulnerable sector.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, nais nitong manguna at magsilbing halimbawa sa iba pang government agencies at maging sa pribadong sektor sa pagbibigay ng trabaho sa mga PWD lalo’t batid nito ang hirap na dinaranas ng mga may kapansanan lalo na sa paghahanap ng permanente at disenteng trabaho.
Katunayan, sa datos ng QC Persons with Disability Affairs Office (PDAO), nasa 14% o 7,620 ng registered Persons with Disabilities sa lungsod ang nananatiling unemployed.
Sa ilalim ng programa, may inisyal na 100 PWDs na ang sumalang sa interview at job assessment ng PDAO at Public Employment Service Office (PESO).
Matapos ang evaluation, ang mga aplikante ay itatalaga sa iba’t ibang departamento sa City Hall kung saan may pagkakataon silang maging contract of service o permanent QCG employees.
Sa kasalukuyan, mayroong 253 contractual, job order, at permanent employees na bahagi ng PWD sector ang nagtatrabaho sa pamahalaang lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa