Kaliwa’t kanang selebrasyon sa Albay ang kinansela dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Daraga na kanselado na ang mga aktibidad sa paparating na Daraga Town Fiesta ngayong Setyembre.
Ito ay dahil sa patuloy na nararanasang kalamidad hindi lamang sa lungsod kundi pati na rin ng buong lalawigan ng Albay.
Ayon kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo, bagama’t gustuhin man niyang maging makulay at masaya ang pagdiriwang ng town fiesta, kinakailangang buo pa rin ang suporta ng lokal na pamahalaan sa seguridad ng mamamayan at sa mga naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Dagdag pa ng alkalde, ilalaan na lamang ang pondo sa iba pang programa ng lokal na pamahalaan at sa higit 3,000 indibidwal na apektado ng nararansang kalamidad.
Ilan pa sa mga kinanselang selebrasyon sa lalawigan ng Albay ay ang Ibalong Festival ng Legazpi City at Longganisa Festival sa Guinobatan Albay.
Sa ngayon, nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon. | ulat ni Garry Carillo | RP1 Albay