Magandang balita para sa mga customer ng Manila Electric Company o Meralco dahil magkakaroon ng bawas singil sa kuryente sa kanilang bill ngayong Agosto.
Ayon sa Meralco, nasa P0.29 kada kilowatt-hour ang magiging tapyas sa singil ngayong Agosto.
Bunsod umano ito ng pagmura ng kuryente sa mga supplier o muling pagbaba ng generation charge sa ikatlong sunod na buwan.
Katumbas ito ng P58 na bawas sa kabuuang bill sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt-hour, P87 sa mga kumokonsumo ng 300 kilowatt-hour, P116 sa mga kumokonsumo ng 400 kilowatt-hour, at P145 sa mga kumokonsumo ng 500 kilowatt-hour.
Samantala, nagpaalala rin ang Meralco sa mga kwalipikado na mag-apply na bilang Lifeline users na kumokonsumo ng hanggang 100 kilowatt-hour lang kada buwan at sertipikadong mahirap ang buhay gaya ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps.
Simula kasi sa Setyembre, tanging mga customer lang na mayroong aprubadong aplikasyon ang makakakuha ng diskwento sa Meralco bill alinsunod sa bagong tuntunin ng Republic Act No. 11552 o ang batas na nagpapalawig sa implementasyon ng lifeline rate. | ulat ni Diane Lear