Mas pinaigting pa ng Manila Electric Company (Meralco) ang pagsasagawa ng barangay caravans sa iba’t ibang lungsod at lalawigan, upang hikayatin ang mga kwalipikadong customer na mag-apply sa kanilang Lifeline Rate Program.
Layon ng programa na mabigyan ng discount sa electricity bills ang mga kwalipikadong benepisyaryo gaya ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, at mga indigent o mahihirap na customer ng Meralco na kumukonsumo ng 100 kilowatt-hour pababa kada buwan.
Sa ilalim ng Lifeline Rate Program, ang mga kwalipikadong customer ay mabibigyan ng 20% hanggang 100% na discount sa kanilang Meralco bill depende sa kanilang konsumo.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, nagsagawa sila ng on-site applications at caravans sa Caloocan, Las Pinas, Manila, Parañaque, Quezon City, at Valenzuela City upang makahikayat pa ng mas maraming customers na mag-apply sa Lifeline Rate Program.
Bukod dito ay magsasagawa rin ng caravans sa mga karatig na lalawigan sa Bulacan, Laguna, Cavite, Rizal, at Quezon.
Samantala, maaari naman mag-apply sa pinakamalapit na Meralco Business Center ang mga kwalipikadong customer, dalhin lamang ang kumpletong application form, latest na electric bill, 4Ps ID, o ‘di kaya ay SWDO certification at government ID. | ulat ni Diane Lear