Posibleng madagdagan pa ang mga binabantayang Areas of Grave Concern ng Philippine National Police (PNP) o mas kilala sa tawag na ‘election hotspots’ habang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections sa Oktubre.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Redrico Maranan, sa ngayon ay nananatili pa sa 27 lugar sa buong bansa ang mahigpit nilang binabantayan.
Subalit depende pa aniya ito sa magiging pagtanggap ng Commission on Elections (COMELEC) batay na rin sa kanilang isinumiteng update kahapon matapos naman ang isinagawang Command Conference kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Sa panayam naman kahapon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, ngayong araw ay may En Banc Session ang poll body at inaasahang tatalakayin dito ang mga lugar na inirekomenda ng security cluster. | ulat ni Jaymark Dagala