Aminado ang Department of Education (DepEd) na hindi pa tapos ang bilangan hinggil sa kung ilan ang mga mag-aaral na nag-enroll o nagpatala para sa School Year 2023-2024.
Ito ayon sa DepEd ay kasunod na rin ng mga naitatala nilang late enrollee o iyong mga humahabol pa sa enrollment kahit pa nagsimula na ang klase, partikular sa mga pampublikong paaralan ngayong araw.
Ayon kay DepEd Spokesperson Undersecretary Michael Poa, bukod kasi sa mga dumarating na bagyo, naiipit din ang mga magulang sa pag-e-enroll sa kanilang mga anak sa mga holiday.
Batay sa pinakahuling datos ng DepEd Learner Information System Quick Count, papalo na sa 22,917,725 o halos 23 milyon na mga mag-aaral na ang nakapagpatala.
Gayunman, sinabi ni Poa na kanilang tututukan ang takbo ng late enrollment hanggang sa susunod na linggo dahil inaasahan pa nilang tataas ang bilang ng mga enrollee. | ulat ni Jaymark Dagala