Pinawi ng Bureau of Immigration (BI) ang pangamba ng mga Pilipinong magbabakasyon lamang sa ibang bansa, kasunod ng bagong guidelines na inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mga lalabas ng bansa.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ni BI Spokesperson Dana Sandoval, na ang guidelines na ito ay para lamang sa pagpapadali ng mga proseso sa Immigration para sa mga aalis na Pilipino, at upang mapigilan ang mga nabibiktima ng human trafficking.
Nilinaw lamang aniya sa guidelines ang hihingiing requirement sa bawat kategoriya.
Ibig sabihin, para sa mga regular na turista na lalabas lamang ng Pilipinas upang mamasyal, walang karagdagang documentation ang kailangang ipresinta ng mga ito.
Ang inaalam lamang aniya ng immigration officers ay iyong trabaho ng mga ito dito sa bansa o iyong tinatawag na local ties. | ulat ni Racquel Bayan