Pirmado na ang memorandum of understanding (MOU) at nailunsad na rin ang Media and Information Literacy Campaign ng Presidential Communications Office (PCO), na layong palakasin ang kakayahan ng mga Pilipinong tukuyin kung ano ang totoo sa pekeng balita.
Sa kaganapan ngayong hapon na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ni PCO Secretary Cheloy Velicaria – Garafil na ang aktibidad na ito ay sumasalamin sa nagkakaisang layunin ng Marcos administration na labanan ang fake news, lalo na sa digital age.
Tututukan aniya ng PCO ang pagbibigay ng angkop na kaalaman sa mga kabataan, lalo’t sila ang pinaka-expose sa social media.
Ibababa sa mga paaralan at komunidad ang mga aktibidad at sapat na kaalaman at kakayahan laban sa fake news.
Sa pamamagitan aniya ng mga hakbang na ito, umaasa ang pamahalaan na makahubog ng isang lipunang kayang tumukoy ng totoo at tamang impormasyon.
Kabalikat ng PCO sa kampaniyang ito ang Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Higher Education (CHED), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nakipagkasundo rin ang PCO sa pribadong sektor, partikular ang Meta, o ang kumpaniya na nangangasiwa sa Facebook at Instagram.
Nakipagpartner rin ang PCO sa Google, Tiktok, at Twitter, upang maisulong ang kampaniyang ito sa social media. | ulat ni Racquel Bayan