Ikinatuwa at suportado ng mga senador ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin ang reclamation sa Manila Bay.
Ayon kay Senador Cynthia Villar, isa itong magandang balita sa mga nangangamba sa malawakang pagbaha na maidudulot sa Metro Manila ng reklamasyon.
Una nang nagpahayag ng pagtutol si Villar sa reclamation, dahil sa pangambang magdudulot ito ng pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila kabilang na ang Las Piñas, dahil mawawalan ng dadaluyan ang tubig.
Sinabi naman ni Senador JV Ejercito, na 100 porsiyento niyang sinusuportahan ang pagsuspinde sa reclamation.
Una rito, iginiit ni Ejercito na nakakalungkot, na sa halip na sariwang hangin ay buhangin na ang nalalanghap sa Manila Bay. | ulat ni Nimfa Asuncion