Ipinahinto muna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang delisting sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino program o 4Ps.
Ito ang kinumpirma ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa interpelasyon ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas sa budget deliberation ng ahensya.
Aniya, ang dating sistema na ginamit ng ahensya sa pamumuno ni dating DSWD secretary at ngayon ay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na proxy means test, ay hindi na sapat para kunin o i-evaluate ang totoong mukha ng kahirapan.
Matatandaan na isinailalim noon ni Tulfo sa re-assessment ang nasa 1.4 million 4Ps beneficiaries, na maaari nang ‘mag-graduate’ sa programa dahil sa pagiging non-poor.
Ngunit hanggang nitong May 2023, 55% sa bilang na ito ay nananatili pa ring non-poor.
Dahil dito, ibinalik aniya ng DSWD ang dating assessment system na Social Welfare Development Indicator (SWDI).
At inaasahan na sa Setyembre ay lalabas na ang resulta ng kanilang re-assessment sa 1.4 million na benepisyaryo.
Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, pinaglalaanan ng P112.8 billion na pondo ang 4Ps, para tulungan ang nasa 4.4 million eligible households. | ulat ni Kathleen Forbes