Tuloy-tuloy pa rin ang distribusyon ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapektuhan ng pananalasa ng habagat at bagyong Egay.
Batay sa pinakahuling datos mula sa DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, umakyat pa sa ₱214-million ang halaga ng assistance na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development, LGUs at iba pang partner nito sa mga biktima ng kalamidad.
Kabilang sa nahatiran ng tulong ang mga apektadong residente mula sa higit 4,000 barangays sa siyam na rehiyon sa bansa.
Kaugnay nito, nasa higit 10,000 pamilya o 36,628 na indibidwal pa ang nananatili ngayon sa higit 400 evacuation centers.
Una na ring pinaalalahanan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang regional directors na huwag patagalin ang pamamahagi ng relief goods sa mga sinalanta ng kalamidad lalo’t tuloy-tuloy ang delivery ng family food packs (FFPs) mula sa National Resource Operations Center (NROC). | ulat ni Merry Ann Bastasa