Tinatayang aabot sa P96 billion kada taon ang nawawala sa pamahalaan dahil sa mga hindi pa nakukumpletong official development assistance projects.
Ito ang binahagi ni Senador Sherwin Gatchalian sa naging pagdinig ng Congressional Oversight Committee on the Official Development Assistance.
Pinaliwanag ni Gatchalian na ang P96 billion na datos ay kumakatawan pa lang sa mga foreign exchange adjustment dahil sa pagbagsak ng halaga ng piso sa mga nakalipas na taon.
Sakop nito ang mga loan-funded projects mula taong 2016 hanggang 2022.
Ayon sa Senador, nasa 43 percent pa lang ang compliance ng mga proyekto kahit natanggap na ang pondo para sa mga ito.
Pinunto ng mambabatas na dahil patuloy ang pagkuha ng gobyerno ng ODA na hindi naman agad nagagamit ay patuloy rin ang pagbabayad ng ating bansa ng commitment fees at penalties.
Giniit naman ni House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na ang delay sa mga proyekto ay kadalasan bunsod ng red tape.
Inihalimbawa ni Arroyo ang matagal nang delayed na pagpapatupad ng modernisasyon ng Bureau of Customs, na ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), ay dahil sa legal issues sa nanalong bidder.| ulat ni Nimfa Asuncion