Tiwala ang National Economic and Development Authority o NEDA na maaabot ng Pilipinas ang 6% hanggang 7% na target growth rate ngayong taon.
Ito ay sa kabila ng bahagyang pagbagal ng paglago ng Gross Domestic Product o GDP sa 4.3% sa ikalawang quarter mula sa 6.4% noong unang quarter ng 2023.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, sa kabila ng mga hamon ay nakatulong ang pagbubukas ng ekonomiya dahil bumuti ang labor at employment conditions sa bansa gayundin ang service sector, food sector, at accommodation.
Dagdag pa ni Balisacan, nakatulong din ang tourism-related spending at commercial investments sa paglago ng ekonomiya nitong ikalawang quarter.
Tiniyak din ng NEDA na tutugunan nito ang mga isyu sa suplay ng mga pangunahing bilihin para maiwasan ang pagtaas pa ng presyo nito.
Sa ngayon, nasa 5.3% na ang paglago ng ekonomiya sa unang semester ng 2023, kailangan na lang lumago sa 6.6% ang ekonomiya ng bansa sa ikalawang semester ng 2023 upang maabot ang 6% hanggang 7% na target growth rate ngayong taon. | ulat ni Diane Lear