NYC, pinuna ng COA sa magastos na training, travel at giveaways

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inatasan ng Commission on Audit (COA) ang National Youth Commission (NYC) na kontrolin ang kanilang paggastos.

Pinuna ng COA ang NYC matapos na umabot sa Php36.82 milyon ang winaldas nito para lamang sa training at traveling expenses, maging ang sobra-sobrang halaga ng giveaways para sa mga kalahok na Php 1.03 milyon.

Sa audit report noong 2022, sinabi ng state auditors na ang bisa at pagiging angkop ng mga gastos ay hindi matiyak dahil sa kakulangan ng wastong pagpaplano ng komisyon, kakulangan ng dokumentasyon at hindi wastong pagproseso.

Kabilang sa pinuna na mga gastusin ang Php1.28 milyon na sobrang bayad sa mga hotel room reservation para sa mga summit ng NYC at Sangguniang Kabataan leaders sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Boracay, Baguio City, Bohol, Batangas, Ilocos Norte.

Sa panig naman ng NYC, sinasabing hindi lahat ng hotel rooms ay naokupahan dahil hindi rin nakarating ang mga kalahok sa iba’t ibang kadahilanan habang ang iba ay nagpositibo sa COVID-19.

Sinang-ayunan din ng NYC ang mga rekomendasyon ng COA na tiyakin ang wastong pagpaplano para sa mga proyekto at sasailalim sa tamang mga pagsusuri at pag-apruba ang lahat ng disbursement.| ulat ni Rey Ferrer

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us