Labis na naapektuhan ang mga imprastraktura sa lalawigan ng La Union sa pananalasa ng Bagyong #EgayPH.
Batay sa partial report na inilabas ng PDRRMO – La Union mula Provincial Engineering Office at La Union Tourism Office, sumampa na sa P1,648,031,000 ang pinsalang idinulot ng bagyo sa mga imprastraktura at tourism sites sa La Union.
Pinakaapektado ang bayan ng Luna dahil sa pagkasira ng Tallaoen Road sa Barangay Sucoc Norte na nagkakahalaga ng P1 bilyon.
Nasira din ang mga sumusunod sa naturang bayan:
Sitio Cabugnayan Road (Barangay Bungro) – P5-M
Rimos #3-Suyo Road – P10-M
Rimos #2 Suyo Road – P5-M
Slope Protection (Barangay Cabalitocan, Ayaoan at Napaset) – tig P20-M
Cabalitocan Bridge 1 – P15-M
Cabalitocan Bridge 2 – P10-M
footbridge (Sitio Bucao, Barangay Pila) – P20-M
Ortega Dam (Barangay Sucoc Sur) – P5-M
Sea Wall (Barangay Darigayos) – P5-M
Rimos #5-Oaqui Road – P20-M.
Pangalawang labis na naapektuhan ang bayan ng Naguilian dahil sa tindi ng pinsalang tinamo ng Natividad-Suguidan Bridge sa Barangay Natividad at Balecbec Road sa Barangay Balecbec na parehong nagkakahalaga ng tig P200-M at ang Bimmotobot Bridge na nagkakahalaga ng P1.5-M.
Pangatlong nakapagtala ng malaking danyos ang munisipio ng Agoo dahil sa pagkasira ng Agoo Eco-Park na nagkakahalaga ng P65,000; ang Camp Wagi na P60,000 at ang Agoo-Sto. Tomas Road na P16-M.
Labis din ang epektong natamo ng bayan ng Balaoan dahil sa pagkasira ng mga bamboo rafts, beach area at tourist shops sa tanyag na Immuki Island sa Barangay Paraoir na nagkakahalaga ng P140,000 at ang Sablot Bridge sa Barangay Pantar Norte na nagkakahalaga ng P12-M.
Nagpapatuloy pa ang validation na isinasagawa ng mga kinauukulan hinggil sa pinsalang iniwan ng Bagyong Egay sa sektor ng agrikultura sa La Union. | ulat ni Glenda B. Sarac | RP1 Agoo