Pangungunahan bilang co-host ng Philippine Air Force at US Air Force Pacific ang multilateral exercise Pacific Airlift Rally 2023 (PAC 23) mula Agosto 14 hanggang 18 sa Clark Airbase, Pampanga.
Ang ehersisyo ay isinasagawa kada dalawang taon para mahasa ang kapabilidad sa humanitarian assistance and disaster relief (HADR) at airlift interoperability ng mga kalahok na magka-alyadong pwersa.
600 tauhan ng AFP mula sa Phil. Air Force at Phil. Army at 90 mula sa U.S. Pacific Air Force ang lalahok sa ehersisyo, kung saan may partisipasyon ang 14 na bansa.
Dalawang U.S. Air Force 374th Airlift Wing C-130J Super Hercules at mga C-130H ng Pilipinas at Japan ang gagamitin sa ehersisyo.
Kabilang sa mga pagsasanay ang field exercise sa container delivery at personnel airdrop, cargo loading, airdrop rigging, at critical patient movement.
Magkakaroon din ng tabletop exercise sa cover aircraft staging at HADR mission planning at subject matter exchanges. | ulat ni Leo Sarne
📷: U.S. Air Force/ Maj. Marnee A.C. Losurdo