Matagumpay na nagtapos ang Pacific Partnership 2023, ang pinakamalaking Humanitarian and Disaster Relief (HADR) Exercise ng Estados Unidos, kasama ang kanyang mga kaalyado na isinagawa sa San Fernando, La Union.
Si Northern Luzon Command (NOLCOM) Commander Lieutenant General Fernyl Buca ang kumatawan kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner, bilang panauhing pandangal sa closing ceremony sa naturang syudad kahapon.
Ayon kay Lt. Gen. Buca, ang Pacific Partnership 2023 ay naging simula ng bagong yugto ng disaster response and preparedness kung saan ang legasiya ng kooperayon, pagpapalitan ng kaalaman, at community engagement ay lumalaganap sa rehiyon.
Sa mensahe ni Gen. Brawner na binasa ni Lt. Gen. Buca, binigyang diin ng AFP Chief, na naipakita sa ehersisyo ang mga prinsipyo ng “mutual respect; collaborative planning and consultation; capacity-building; and long-term sustainability.”
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad sa Pacific Partnership 2023 ang 34 Didactics and Patient Care Activities, 25 Symposium at Workshop na pang-medikal, at 15 kurso sa First Aid and Disaster Response and Mitigation.
Bukod sa HADR exercises, kasama din sa aktibidad ang pagsasagawa ng iba’t ibang Engineering projects ng American, Korean, at Filipino military engineers. | ulat ni Leo Sarne
Photos: 1ST Civil Relations Group – CRSAFP