Pagbibigay ng sports voucher para sa pagsasanay ng mga batang atleta, lusot na sa Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinagtibay ng Kamara de Representantes sa huling pagbasa ang isang panukala kung saan magbibigay ang gobyerno ng sports voucher sa mga batang atleta na kanilang magagamit sa kanilang pagsasanay at pagbili ng mga sports equipment.

Maliban dito, maglalaan din ng pondo para sa mga sports clubs, organizations o asosasyon na kinikilala ng Philippine Sports Commission (PSC).

Sa ilalim ng House Bill 8495 o Strengthening Local Sports Programs to Develop Young Athletes, bubuo ng tatlong magkakahiwalay na fund na pangangasiwaan ng PSC.

Ito ang Get Started Fund, Get Going Fund, at Get Playing Fund.

Ang Get Started Funds ay nagkakahalaga ng ₱3,000 na magagamit sa pagbabayad ng membership, registration o participation fee, training, at general fee at maipambibili rin ng mga gamit ng atleta.

Ang voucher ay maaaring gamitin sa sports club, recreation club, sports association o organization na accredited o kinikilala ng PSC.

Ang bibigyan nito ay ang mga atleta na wala pang 18 taong gulang.

Ang voucher ay hindi maaaring ipagpalit ng cash at hindi maaaring gamitin ng ibang tao.

Ang Get Going Fund at Get Playing Fund naman ay taunang funding support na nagkakahalaga ng ₱50,000 at ₱500,000 para sa mga sports clubs, organisasyon, o asosasyon.

Ilalaan ito para sa kinakailangan sports development at pagpapaganda ng sports facilities. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us