Kinumpirma ni PAGCOR Chair Al Tengco na kinansela na nila ang kontrata sa pribadong third party auditor ng mga overseas gaming licensees dahil sa anomalya.
Sa interpelasyon ni Minority Leader Marcelino Libanan, sinabi ni Tengco na kinansela nila ang P5.8 billion na kontrata sa Global ComRCI noong Setyembre ng nakaraang taon matapos itanggi ng New York based Soleil Bank na mayroong account ang kompanya sa kanila.
Ayon sa opisyal, nang sumali sa bidding ang Global ComRCI ay nagsumite ito ng bank certification na mayroon silang 25 million dollars sa naturang bangko, ngunit nang kanilang tanungin ang Manila office at main office ng Soleil bank ay wala raw itong account.
“Matapos po ang halos dalawang buwan na pagiimbestiga po, nakita po naming na fraudulent po yung pagkaka-award ng PAGCOR sa kompanyang Global COMRCI.
Dahil sa nakasaad sa batas na kailangan mayroong auditor ng overseas gaming licensees, ay COA muna ang pansamantalang magsisislbing third party auditor.
Pero paalala ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, na walang kakayanan ang COA para isailalim sa auditing ang overseas gaming licensees dahil hindi sila eksperto sa gaming
“Hindi nyo yun pwedeng ibigay sa COA, kasi walang kakayanan ang COA to do game fairness, financial fairness and company operations. All they can do is to make sure that there is integrity in the accounting but in terms for example na hindi dinadaya ang bettor, wala ho silang kakayanan nun,” paliwanag ni Salceda.
Tugon naman ni Tengco, pansamantala lamang ang binuong special audit team mula COA na siyang magsasagawa ng audit sa mga overseas gaming licensees hanggang sa makahanap ng kapalit.
“Meron pong special team na binuo ang COA from the head office, yan lang po talaga ang susubaybayan. Although I agree with you they are not, they do not have the capability, as you are talking about …that is also a stopgap measure in the meantime that we are studying how we can get somebody or a third party again,” ani Tengco.| ulat ni Kathleen Jean Forbes