Pagdinig tungkol sa problema sa baha, ikakasa na ng Senado sa susunod na linggo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Gagawin na sa Miyerkules, August 9, ang pagdinig ng Senate Committee on Public Works tungkol sa matinding pagbaha sa maraming lugar sa bansa at ang pagbusisi sa flood control program ng pamahalaan.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, alam na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang gagawing pagdinig ng senado at mismong ang presidente rin aniya ang nagsabi na makakasuhan ang mga nagpabaya sa usaping ito.

Nakalinya rin aniya ang pagdinig na ito sa isinusulong ng administrasyon na pagtatatag ng Department of Water Resources Management.

Ipinunto ni Villanueva na kabilang sa mga bubusisiin ng Mataas na Kapulungan ang estado ng P183 bilyong halaga ng flood control projects ng DPWH ngayong taon at ang detalye ng hinihinging alokasyong pondo ng ahensya para sa susunod na taon.

Aalamin rin aniya sa pagdinig ang lagay ng integrated master plan ng Central Luzon, masterplan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang tugon ng gobyerno sa mga naranasang pagbaha.

Dinagdag rin ng Majority Leader na posibleng ipatawag sa pagdinig ang National Irrigation Administration (NIA) para ipaliwanag ang kanilang polisiya sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam na itinuturong sanhi ng pagbaha sa ilang lugar at maging ang DENR tungkol naman sa kanilang proyekto sa pagkontrol sa baha. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us