Naniniwala ang isang prosecutor na hindi na dapat magmatigas bagkus ay dapat tanggapin na lamang ni Makati Mayor Abby Binay ang “unintended consequences” sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig lalo pa at ang Makati mismo ang nag-akyat ng usapin sa Korte Suprema.
Ayon kay Atty. Darwin Canete, isang prosecutor, nang iakyat ng Makati City ang kaso sa SC at hingan ang mga mahistrado ng final determination sa isyu ay dapat batid nito na maaari silang matalo o manalo.
Punto ng abogado na ang paghahabol sa revenue-rich na Bonifacio Global City (BGC) ay pinursige ng Makati City mula pa noong panahon ni Makati City Mayor Jejomar Binay, kaya dapat naging handa na ang lokal na pamahalaan sa pagkakaroon ng pinal na desisyon sa kaso.
Sa opinyon ni Canete ay malaking pagkakamali na inakyat pa ng Makati ang dispute case sa Supreme Court.
Ipinaliwanag ni Canete na sa una pa lamang na desisyon ng Pasig City Regional Trial Court ay makikita nang dehado ang Makati, sa iprinisinta kasing ebidensya ay mayroong pinanghahawakang titulo at Presidential Order ang Taguig.
Habang, ang iprinisinta naman ng Makati ay land survey na mula sa isang private contractor. | ulat ni Lorenz Tanjoco