Pinagtibay ng mababang kapulungan ng kongreso ang panukala para sa pagtatayo ng food bank at pag-iimbak ng mga relief goods sa bawat probinsya at highly urbanized city sa bansa.
Layon ng House Bill 8463 na makapagpatayo ng Disaster Food Bank and Stockpile sa buong bansa para sa mabilis na pamamahagi ng tulong sa mga magiging biktima ng kalamidad.
Sa mga Disaster food bank at stockpile, maliban sa pagkain at relief goods ay iiimbak din ang inuming tubig, bakuna at iba pang gamot at medical products, portable power and light source, damit, tent, at communication devices.
Ang shelf-life ng mga gamit na ilalagay dito ay dapat hindi bababa sa dalawang taon.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa implementasyon ng panukala.
Ang NDRRMC ang tutukoy sa lugar kung saan itatayo ang food bank at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magtatayo nito.| ulat ni Kathleen Jean Forbes