Planong itulak ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapalawig ng Voucher Program sa Basic Education o mula kindergarten hanggang elementarya.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Gatchalian na mas marami ang makikinabang kung palalawigin ang ipinatutupad na programa ng Department of Education (DepEd).
Sa ngayon, limitado lamang sa Junior at Senior High School ang Voucher Program.
Una nang sinabi ni Dr. Vicente Paqueo ng grupong Student First Coalition na magreresulta ang pagpapalawig ng Voucher Program sa Basic Education System ng pantay na subsidiya sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan.
Irerekomenda rin ng senador ang Voucher System na ipatupad hanggang senior high school na ngayon ay gumagamit ng Education Subsidy Contracting (ESC).
Hindi rin umano kakailanganin ng malaking pondo para sa pagpapalawig ng Voucher Program sa Basic Education System. | ulat ni Michael Rogas