Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mahalaga ang pagpapatupad ng Food Stamp Program ng pamahalaan.
Ito ay kasunod ng Second Quarter 2023 Social Weather Stations Survey (SWS) kung saan bahagyang tumaas ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakararanas ng gutom.
Batay sa June 2023 SWS survey, nasa ng 10.4% ang mga pamilyang nakararanas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan na mas mataas sa 9.8% hunger rate noong March.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, isang patunay ito na nasa tamang direksyon ang Marcos Administration sa pagpapatupad ng naturang programa.
Sinabi naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, sa ilalim ng Food Stamp Program ng pamahalaan layon nitong mabigyan ng pagkain ang 1 milyong pamilya na nasa Listahan 3 o yung pasok sa poor o pinakamahirap na criteria batay sa Philippine Statistics Authority.
Bahagi rin ng programa ang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong benepisyaryo, sa pamamagitan ng Electronic Benefits Transfer card na lalagyan ng cash amount ng DSWD para makapili ang mga benepisyaryo ng pagkain na nais nilang bilhin.
Sa ngayon, nasa pilot implementation ang Food Stamp Program ng pamahalaan simula July hanggang December at mabebenepisyuhan nito ang nasa 3,000 mahihirap na pamilya.
Target naman na mga benepisyaryo ng programa ang mga pamilya na may kitang hindi tataas sa P8,000 kada buwan. | ulat ni Diane Lear