Aminado si Manila Rep. Bienvenido Abante, miyembro ng House Committee on Ethics and Privileges na may epekto sa imahe ng Kamara ang pagturing kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. bilang isang terorista.
Ayon kay Abante, inilalagay nito ang Kongreso sa scrutiny ng publiko.
Ito ang unang pagkakataon na isang miyembro ng Mababang Kapulungan ay itinuring o idineklara bilang terorista.
“…kasi first time nangyari yan samin. Ako binabanggit ko nga na mayroon tayong kasabihan, ang sakit ng kalingkingan, sakit ng buong katawan. In a way, affected din kami dito, yung ATC ruling, ACT resolution declaring him as a terorista. Ngayon kung mayroon kaming isang magiging dahilan dyan, ay siya ang nag-cause kung bakit ang buong Kongresong ito ay under scrutiny… Pero syempre the Committee on Ethics is studying everything we can to be able to offset that kind of impression.” saad ni Abante.
Kasama naman ang desisyong ito ng Anti-Terrorism Council sa pagtalakay nila sa kaso ni Teves.
“Pinag-aaralan pa namin kung mayroong bearing yung resolution ng ATC na dine-declare siyang terorista…We are doing eveything we can to let our pepopel realize na ito, hindi ito railroading. Hindi ito yung nais na lang natin makalimutan sapagkat apektado rin kami dito. So, we really would like to be really objective sa desisyon namin. Ayaw namin na masaktan yung isang member nung House ng wala man lang tamang motibo. We’d like to really exhaust all means na talagang matibay yung batayan namin for whatever recommendation we will issue.” dagdag ng mambabatas.
Ani Abante, bibigyan ng due process ng komite ang pagdinig sa patuloy na mga paglabag ni Teves sa House Rules.
“We made a motion kanina, we approved na we are going to continue on with the investigation, to exhaust all means to really have a real basis number na hindi kami pwedeng i-tag na violator kami ng due process, we’re unconstitutional, sabi ng kanyang mga abugado.” ayon pa sa Manila solon.
Ayon naman kay AKO BICOL party-list Rep. Jil Bongalon, vice-chair ng Komite, posibleng abutin pa ng isa hanggang dalawang linggo ang deliberasyon ng komite sa kung ano ang kahihinatnan ni Teves.
Nitong July 31 nagtapos ang ikalawang 60-day suspension order ng Kamara laban kay Teves dahil sa patuloy na pagliban kahit paso na nag kaniyang travel authority.
“We are not yet in the discussion as to the penalty that can be recommended by the Committee on Ehtics, but again as we mentioned a while ago, that there will be a continuing investigation as to the case being faced by Congressman Arnie Teves… Probably in one to two weeks.”
Sakali namang naisin ni Teves na dumalo sa pagdinig ng komite via video conferencing ay kailangan itong sumulat sa Speaker’s Office o House Secretary General at pahihintulutan lamang kung aaprubahan ang kaniyang request.
Simula kasi nitong July 31, ay face-to-face na ang sesyon at committee hearings sa Kamara. | ulat ni Kathleen Jean Forbes