Kinontra ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Colonel Medel Aguilar ang pahayag ng Chinese Foreign Minister na “professional, restrained and beyond reproach” ang ginawa nilang pambobobomba ng water cannon sa mga barko ng Pilipinas, na patungo sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Aguilar, kailanman ay hindi maituturing na “professional, restrained, and beyond reproach” ang anumang aksyon na naglalagay sa panganib ng buhay ng tao.
Giit ni Aguilar, ang video ng insidente ang ebidensya ng ilegal at labis na aksyon ng Chinese Coast Guard laban sa mga Pilipino.
Mayroon din aniyang mga water cannon ang mga barko ng Philippine Coast Guard, pero ginagamit ito sa pagligtas ng buhay hindi katulad ng ginawa ng Chinese Coast Guard.
Nanawagan naman si Aguilar sa mga mamamayan, na mas paniwalaan at suportahan ang mga pahayag mula sa mga opisyal ng Pilipinas na ipinaglalaban ang karapatan ng bansa sa ilalim ng international law, alinsunod sa 2016 Arbitral Award. | ulat ni Leo Sarne