Sisikapin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na masimulan na ang distribusyon fuel subsidy sa mga driver at operator ng mga pampasaherong sasakyan bago matapos ang buwan ng Agosto.
Ayon kay LTFRB Chair Atty. Teofilo Guadiz, hinihintay pa rin nilang mai-download ng Department of Budget and Management (DBM) ang halos ₱3-bilyong pondo para dito.
Tinukoy rin nitong hinahanapan sila ng DBM ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa pamamahagi ng ayuda, bagay na agad aniyang aasikasuhin na rin ng ahensya.
Sa ilalim ng fuel subsidy program, inaasahang makakatanggap ng ₱10,000 subsidy ang bawat modern jeepney at UV Express unit habang ₱6,500 sa driver ng traditional jeepneys.
Mayroon ding ilalaan na ₱1,200 na ilalaan para sa motorcycle taxis at delivery service riders habang ang mga tricycle drivers ay bibigyan ng tig-₱1,000 bawat isa na ipamamahagi sa LGU kung saan sila nakarehistro.
Una nang hiniling ng ilang grupo ng transportasyon sa LTFRB na madaliin na ang paglalabas ng fuel subsidy lalo ngayong walang preno ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa