Kailangang pakatutukan ng Pilipinas ang pamumuhunan gayundin ang pagtataguyod ng physical at social infrastructure upang makalikha ng mas maraming trabaho.
Ito ang inihayag ni National Economic and Development Authority o NEDA Sec. Arsenio Balisacan sa kaniyang talumpati sa Alumni Council Meeting ng University of the Philippines o UP Diliman nitong weekend.
Ayon kay Balisacan, kailangang pagbutihin pa ng bansa ang pamumuhunan sa ‘productive assets’ na siyang tutugon sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Sa Ambisyon Natin 2040, sinabi ni Balisacan na kailangang mapanatili ng Pilipinas ang 6.5 hanggang 8 porsyentong paglago ng ekonomiya sa susunod na dalawang dekada.
Dapat din aniyang palakasin ang iba’t ibang sektor tulad ng edukasyon at kalusugan gayundin ang pagtutok sa Micro, Small at Medium Enterprise o MSMEs para matiyak ang tuloy-tuloy na usad ng ekonomiya. | ulat ni Jaymark Dagala