Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang Brigada Eskwela 2023 sa V. Mapa High School sa San Miguel, Manila ngayong araw.
Sa naturang aktibidad, pinangunahan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ang pagpipintura ng ilang arm chairs ng paaralan kasama ang mga guro, magulang, at mag-aaral.
Bukod dito, ay nagbigay din ang Pangulo ng mga gamit upang maihanda nang maayos ang paaralan sa pagbubukas ng klase ngayong buwan.
Binisita din ng dalawang mataas na opisyal ang Science Laboratory at Literacy Center ng V. Mapa High School.
Ayon kay VP Sara, nagkaroon din ng pagkakataon na makonsulta niya ang principal ng nasabing paaralan kung saan tinalakay ang kalagayan ng mga mag-aaral at mga pangangailangan ng eskwelahan.
Matatandaang inanunsyo ng Department of Education ang pagsasagawa ng Brigada Eskwela 2023 na may temang “Bayanihan Para sa MATATAG na Paaralan,” simula August 14 hanggang August 19.
Pormal naman magbubukas ang mga klase sa mga pampublikong paaralan para sa School Year 2023-2024 sa August 29. | ulat ni Diane Lear