Pangulong Marcos Jr., magkakaroon ng bilateral meeting sa ilang foreign leaders sa sidelines ng ASEAN Summit sa susunod na linggo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Gagamitin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sidelines ng ika-43 ASEAN Summit upang makipagpulong sa ilang lider ng ibang mga bansa, upang maisulong ang interes ng Pilipinas.

Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu, na kabilang sa mga makakapulong ng Pangulo ay si Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh.

Tatalakayin aniya ang pagpapaigting ng strategic partnership sa pagitan ng dalawang bansa, at ang kooperasyon sa rice at food security.

Sa magiging pulong naman kasama si Timor Leste Prime Minister Xanana Gusmao, sisiguruhin ng Pangulo ang suporta nito sa mga susunod na taon pa, maging ang kanilang paghahanda sa pagiging ganap na miyembro ng ASEAN.

Makakapulong rin ng Pangulo si Cambodian Prime Minister Hun Manet, kung saan mapag-uusapan ang mga legal concern sa pagitan ng dalawang bansa.

Habang sa pulong naman ni Pangulong Marcos Jr., kasama si South Korean President Yoon Suk Yeol, matatalakay ang mga bagong areas of cooperation kasabay na rin ng ika-75 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at South Korea.

“At the same time, we’ll be thanking also Korea for its support for the Philippines in terms of the assistance that they gave during Typhoon Egay, around $300,000. Also, they intend to donate, under the ASEAN Plus 3 Rice Reserve Arrangement, a total of 750 metric tons of rice to the Philippines, 400 of that are already in the pipeline.” —Asec Espiritu.

Ang ika-43 ASEAN Summit ay gaganapin sa September 5 hanggang 7, 2023, sa Jakarta, Indonesia. | ulat ni Racquel Bayan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us