Sa gitna ng patuloy na mababang bilang ng mga batang nakakatanggap ng mga bakuna, isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagtatatag sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines para magkaroon ng sapat na suplay ng mga bakuna sa Pilipinas.
Binahagi ni Gatchalian ang datos kung saan ang bilang aniya ng mga hindi nababakunahan na mga bata ay bumaba mula isang milyon noong 2021 sa 637,000 nitong 2022.
Ayon aniya sa Department of Health (DOH), 59.9% lang ng mga batang maaari nang makatanggap ng mga bakuna ang maituturing na bakunado.
Base naman sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2022, hindi pagtitiwala sa mga bakuna ang dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga batang bakunado.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na isyu rin ang suplay, pati na ang pamunuan, pagpaplano, at mga problema sa supply chain kaya paulit-ulit na nauubusan ng bakuna ang bansa nitong nakaraang dekada.
Kaya naman, sa ilalim ng Senate Bill 941, isinusulong ni Gatchalian ang mga inisyatibo para patatagin ang lokal na produksyon ng mga bakuna, pati na rin ang technology transfer.
Layon ng naturang panukala na magtatag ng VIP na magsisilbing premier research and development institute sa larangan ng virology.
Gagamitin ang mga resulta ng pag-aaral ng VIP para sa pagbuo ng mga plano sa pagsugpo sa mga nakakahawang sakit, pati na rin sa disease control and prevention.
Giit ni Gatchalian, kasabay ng paghhikayat sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, mahalagang matiyak din na may sapat tayong suplay ng bakuna at may kakayahan ang bansa na magsagawa ng pananaliksik at mga pag-aaral.| ulat ni Nimfa Asuncion