Tinapos na ng Senate Sub-Committee on Finance ang pagtalakay sa panukalang ₱39.59 bilyong pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa susunod na taon.
Sa naging pagdinig, kabilang sa mga inusisa ng mga senador ang pagkakasama ng mga 15-anyos na bata sa labor force ng Pilipinas.
Ayon kay Senadora Nancy Binay, nakakabahala ito dahil lumalabas na mga child laborers ang mga ito bilang sila ay mga menor de edad pa.
Sa iprinesentang datos kasi ng DOLE, sa 77.4 miliion na Pilipinong nagtratrabaho ay kabilang ang mga 15 taong gulang pataas.
Napag-usapan rin ang isyu ng TUPAD program at nanghingi ng paliwanag si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa biglang paglobo ng pondo nito noong 2021 at 2022.
Ipinaliwanag naman ng DOLE na ang TUPAD program kasi ay isa sa mga itinuring na COVID19-response ng pamahalaan noong kasagsagan ng pandemya.
Nagpahayag naman ng pagsuporta sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda at Senate Majority Leader Joel Villanueva sa TUPAD program dahil malaki anila ang naitutulong nito sa mga nawalan ng trabaho nating mga kababayan.
Isinusulong din ng dalawang senador ang kanilang mga panukala para ma-institutionalize ang programa. | ulat ni Nimfa Asuncion