Nanawagan si AGRI party-list Rep. Wilbert Lee sa gobyerno na agresibong tugunan ang food inflation upang makamit ang 2.9 percent inflation target sa taong 2024.
Aniya, mahalaga na gawing abot-kaya ang presyo ng mga pagkain sa bansa dahil ito ay “top factors” na siyang nakakaapekto sa inflation.
Ayon sa Bicolano lawmaker, tama ang datos ng Pangulo sa kanyang katatapos na State Of the Nation Address na stable ang presyo sa ngayon kaya dapat aniya kumilos ang pamahalaan na maramdaman ito ng taumbayan.
Ayon pa sa partylist solon na siyang principal author ng House Bill 3957 o “Kadiwa Agri-Food Terminal Act”, importante na maitatag ang maraming Kadiwa Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang mabawasan ang mataas na presyo ng ‘basic commodities’ gaya ng bigas at gulay.
Dagdag pa nito na kailangan din mag-invest ng maraming post-harvest facilities at iba pang hakbangin upang mapababa ang gastos ng bigas at iba pang ani. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes