Nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang palakasin pa ang kanilang mga kakayahan at kapasidad sa pagtugon sa iba’t ibang maritime incident.
Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, tinawag itong Inter-Agency Alalayan Exercise 2023.
Kabilang sa mga lumahok sa nasabing pagsasanay ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines o AFP, Bureau of Customs at Bureau of Quarantine.
Gayundin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, National Coast Watch Center, Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at Philippine National Police o PNP Maritime Group.
Ayon kay NCWC Director, CG Vice Adm. Roy Echeverria, matagal na dapat ginawa ang nasabing pagsasanay subalit ngayon lamang umayon ang panahon para rito.
Sakay ng BRP Melchora Aquino, ipinaikita ng Coast Guard ang mga kakayahan nito sa pagtugon sa maritime issues tulad ang paggamit ng water cannon.
Pero paglilinaw ni Echeverria, hindi ito ‘show of force’ lalo’t mainit din ang usapin hinggil sa pagtaboy ng China Coast Guard sa mga barko ng AFP at ng PCG na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal. | ulat ni Jaymark Dagala
🎥: PCG