Nilinaw ng Philippine Coast Guard o PCG na hindi sila nakikisawsaw sa foreign policy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa usapin ng panibagong insidente sa pagitan ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Coast Guard Spokesman for West Philippine Sea Cdre. Jay Tarriela kasunod ng mga panawagang patahimikin ang Coast Guard at ang AFP sa paglalabas ng impormasyon sa paniniwalang makasisira ito sa foreign policy ng Pangulo.
Ayon kay Tarriela, ang layunin lamang nila ay mag-ulat hindi lamang sa Pangulo kundi maging sa publiko dahil karapatan nilang malaman kung ano ang mga pangyayari sa karagatang sakop ng bansa.
Nakikiisa naman sila sa polisiya ng Pangulo na walang kaaway at maging kaibigan ng lahat.
Binigyang diin pa ni Tarriela na ang Coast Guard at AFP ay pawang mga propesyunal at hindi ito dapat makialam sa mga usaping may kinalaman sa foreign policy.
Kasunod nito, muling nanawagan si Tarriela sa mga Pilipino na magsalita at ipagtanggol ang bansa sa mga diskusyon dahil ang West Philippine Sea ay para sa PIlipinas. | ulat ni Jaymark Dagala