Para kay Senador Ramon ‘Bong Revilla Jr. kailangan nang seryosong ikonsidera ang petisyon ng mga transport group para sa taas pasahe.
Ito ay kahit pa aniya maaaring magdulot ng inflation ang hirit na ito.
Sinabi ni Revilla, na mukha namang makatarungan at may basehan ang hinihiling na dagdag pamasahe ng mga transport group.
Kasunod na rin ito ng apat na linggong pagtaas sa presyo ng krudo, na halos umaabot na ng P10.
Dinagdag pa ng senador, na papasok na rin ang ‘-ber’ months kung kailan kadalasan ay tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ipinunto rin ng mambabatas, na patuloy ang pagbawas ng Saudi ng production ng langis nang 1 milyong bariles kada araw.
Tila wala pa rin aniyang naaaninag na pag asa na matatapos ang Russia-Ukraine crisis, na isa sa mga sanhi ng pagtaas ng presyo ng langis. | ulat ni Nimfa Asuncion