Nagsagawa ng planning conference ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Australian Defense Force sa Robertson Barracks, Darwin, Northern Territory, Australia kahapon.
Ito’y kasunod ng pagdating sa Australia ng 138 miyembro ng Philippine Army contingent na lalahok sa Carabaroo 2023 joint military exercise ng dalawang bansa.
Sa planning conference, inilatag ng mga opisyal ng 1st Brigade Combat Team, Training and Doctrine Command (TRADOC), at Headquarters Philippine Army, sa pangunguna ni Exercise Director Col. Diosdado Carlos D. Pambid, ang “groundwork” para sa magiging papel ng Philippine Army sa ehersisyo.
Dito’y lalahok sa iba’t ibang battle scenario ang mga tropa na isasagawa sa Robertson Barracks, Melville Island, Tiwi Islands, at Gunn Point sa Darwin.
Ang Carabaroo 2023 ay naglalayong mapalakas ang interoperability, mapahusay ang kapabilidad na pandigma, at mapatatag ang relasyon ng mga pwersang kasali sa ehersisyo. | ulat ni Leo Sarne
📷: Pvt. Alpha Bierneza, OACPA