Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) ang mahigit Php 800 Million sobrang singil ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga water concessionaires na Manila Water at Maynilad Water Services Inc.
Sa taunang ulat ng COA, ang mga koleksyong mula sa 2019 hanggang 2022 ay ibinigay sa ilalim ng mga kasunduan ng ahensya sa dalawang water concessionaires.
Batay sa pagsusuri ng COA, kinolektahan ng MWSS ang water companies ng mga gastusin, tulad ng pagpapatupad ng New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project.
Bahagi ng koleksyon ay ipinang suweldo sa mga tauhan ng Bantay Gubat initiative at gastusin para sa Ipo Watershed Development Program.
Inirerekomenda ng COA sa MWSS na agad na suspindihin ang mga billings at collections ng mga karagdagang gastos mula sa mga concessionaires dahil hindi umano ito inaprubahan ng Department of Finance.
Iginiit naman ng MWSS na ang mga gastusin na sinisingil nila sa Maynilad at Manila Water ay sakop ng concession agreement.| ulat ni Rey Ferrer