Nagpahayag ng commitment ang Pilipinas at Australia na pagplanuhan ang “bilateral joint patrol” sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilbert Teodoro at Australian Deputy Prime Minister at Minister for Defence Richard Marles sa isang joint statement matapos magsagawa ng pulong bilateral.
Ang pagpupulong ng dalawang opisyal ay kasabay ng isinasagawang ALON 23 military exercise sa bansa, na sabayang pagsasanay ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines, Australian Defense Force (ADF) at U.S. Marine Corps (USMC).
Kapwa inihayag ng dalawang opisyal ang kanilang pagsuporta sa pag-angat ng relasyon ng Pilipipinas at Australia sa “strategic status”, kasabay ng pagsabi na ang ehersisyo ay paraan para mas mapalapit ang pwersa ng dalawang bansa.
Kapwa din nagpahayag ng malakas na suporta ang dalawang opisyal sa 2016 South China Sea Arbitral Tribunal Award, kung saan kanilang binigyang diin na mahalaga para sa lahat ng estado na makapag-operate ng ligtas at propesyonal, alinsunod sa international law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). | ulat ni Leo Sarne