Nagsagawa ang Embahada ng Pilipinas sa Chile ng kauna-unahang online Introductory Meeting sa Disaster Preparedness at Early Warning Systems para sa mga lindol at tsunami sa pagitan ng ating National Disaster Risk Reduction and Management Council at Hydrographic and Oceanographic Service ng Chile.
Ang nasabing pagpupulong ay bahagi ng politico-security initiatives at bilang proyekto sa ilalim ng Philippines-Chile MOU on Cooperation in Disaster Risk Reduction and Management.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Chile Celeste Vinzon-Balatbat na napapanahon ang nasabing pagpupulong kung saan parehong humaharap ang dalawang bansa sa mga kalamidad.
Positibo rin ang embahador na parehong makikinabang ang dalawang bansa sa pagpapalitan ng best practices nito pagdating sa disaster preparedness at early warning protocols, at gawing pormal ang kooperasyon at partnerships sa pagitan ng mga DRRM institutions at stakeholders mula sa Pilipinas at Chile. | ulat ni Gab Villegas