Dapat na palakasin ng Pilipinas ang maritime cooperation nito sa Vietnam sa pamamagitan ng isang strategic partnership accord dahil parehong nalalagay ang dalawang bansa sa maritime security threat sa South China Sea, ayon kay DFA Secretary Enrique Manalo.
Sa kanyang talumpati sa Diplomatic Academy of Vietnam sa Hanoi, binigyang diin ng kalihim ang kahalagahan ng strategic partnership sa pagitan ng dalawang bansa sa gitna ng nagbabagong geopolitical tension, kabilang na ang sigalot sa mga pinag-aagawang teritoryo sa rehiyon.
Sinabi rin ni Manalo na dapat paigtingin ng dalawang bansa ang pagtuklas ng iba pang modes of cooperation lalo na sa maritime safety, search and rescue, marine scientific research, at marine environmental protection.
Nabanggit rin ng kalihim na nagsagawa ng talakayan ang Maynila at ang Hanoi sa mga kinakaharap nitong hamon sa South China Sea at nagkasundong tingnan ang joint initiatives para sa epektibong pamamahala sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Noong 2016 nang lumagda ng strategic partnership agreement sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Pilipinas at Vietnam, kung saan layon nitong mapalakas ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa, lalo na sa larangan ng defense at maritime security. | ulat ni Gab Villegas