Nilinaw ng Bureau of Plant Industry na hindi nila pinapaboran ang China para sa pag-aangkat ng mga sibuyas.
Sa muling pagtalakay ng House Committee on Agriculture and Food tungkol sa onion hoarding at cartel, nausisa ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas kung bakit karamihan ng importasyon ng sibuyas ay galing sa China.
Batay kasi sa Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPIC) para sa taong 2023, puro sa China ang pinanggalingan ng mga sibuyas.
Paliwanag ni BPI National Plant Quarantine Services Division Assistant Division Chief Hendrick Esconde, kaya marami ang naangkat na sibuyas sa China dahil mas mabilis ang delivery nito sa Pilipinas dahil mas malapit ito sa ating bansa.
Aabutin lamang aniya ng lima hanggang pitong araw ang biyahe nito bago dumating sa Pilipinas.
Mayroon din naman anilang ibang bansa na nag-apply gaya ng Netherlands at India ngunit limitado lamang.
Ngayong taon umabot na sa 290 na import permit ang inilabas ng BPI. | ulat ni Kathleen Jean Forbes
📸: House of Representatives