Pilot study ng motorcycle taxi, palalawigin; dagdag na kompanya, papapasukin na rin

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagkasundo ang Kamara at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawigin pa ang pilot study program para sa motorcycle taxis.

Ito’y matapos masita ng House Committee on Transportation ang ahensya sa kung bakit tila naging unlimited na ang pilot study para sa motorcycle taxis.

Punto ni Antipolo Representative Romeo Acop, chair ng komite, dapat ay 2021 pa natapos ang pilot study ngunit naglabas ng panibagong memorandum ang LTFRB para ipagpatuloy ang programa.

Tila kinuha na aniya ng ahensya ang kapangyarihan ng Kongreso nang magdesisyon itong hayaan ang pagbiyahe ng mga motorcycle taxi sa kabila ng kawalan ng batas.

Dahil naman dito, nagkaroon na ng monopolyo ang tatlong kompanya na kabilang sa pilot program.

“Why don’t you make a report to the House that your study was already terminated and you are coming up with your final report to this committee? Kasi inaantay niyo na kami yung magsabing itigil niyo na eh, which is wrong. So parang nagkakaroon na sila ng franchise na mag-operate. Because there’s no limit anymore,” punto ng kongresista.

Matapos naman ang pagdinig sinabi ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na palalawigin pa ang pilot study at isasama na rin ang iba pang lugar sa bansa at magpapasok na rin ng iba pang transportation network company (TNC).

Sa ngayon kasi ang pilot study ay sa Metro Manila, Cebu, at Cagayan de Oro lamang at ang kompanyang kasali ay ang MoveIt, Joyride, at Angkas.

“Napagkasunduan ng Mababang Kapulungan na yung pag-aaral dito sa MC TAXI ay paigtingin pa and then we will be entertaining more players. However we will set a timeline bago namin to matapos. So mag-eextend pa po ito sa iba’t ibang urban areas sa Pilipinas and then there will be more players to be taken in,” sabi ni Guadiz.

Maglalabas aniya sila ng bagong guidelines tungkol dito at isasama na rin ang pagbabawal sa multi-homing o pag-eenrol sa dalawa o higit pang motorcycle taxi company.

“Sa aming policy po, dapat isa lang po yan pero hindi naman malinaw yung unang pinasang policy so sa ngayon we still allow multi-homing but in our subsequent memorandum circular na ilalabas ko po, ipagbabawal po dapat kung naka-enroll ka sa isang TNC company, hindi ka na pwede mag-enroll sa iba. That’s the multi-homing system,” dagdag ng opisyal. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us