Suportado ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang planong ganap na rehabilitasyon ng Pasig River.
Ito ay ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development matapos ipresenta sa Malacanang ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development (IAC-PRUD) ang master plan para sa malawakang rehabilitasyon ng Pasig River.
Ang pagpapasigla sa Ilog Pasig upang maging commercial, lifestyle tourism at culture hub, tulad ng Thames at Seine, ay kabilang sa mga adbokasiya ng Unang Ginang.
Tinaguriang “Pasig Bigyan Buhay Muli” (PBBM) ang proyekto na nilikha sa bisa ng Executive Order 35 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hulyo 25.
Ang proyekto ay binubuo ng development plans para sa mixed-use commercial areas, kabilang ang mga tourist spot, open public parks sa kahabaan ng 25-kilometrong Pasig River mula sa Manila Bay hanggang sa Laguna de Bay.
Una rito, tinukoy ng IAC-PRUD ang walong pangunahing lugar kung saan ang people-centric improvements ay maaaring gawin tulad ng jogging path at bike lane mula sa lungsod ng Maynila hanggang sa lalawigan ng Rizal.
Ayon sa DHSUD, ang mga pamilyang informal settler na nakatira sa riverbanks ay prayoridad sa ilalim ng flagship Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program. | ulat ni Rey Ferrer